Mariing kinondena ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang pagkamatay ng kadete na si Cadet 3rd Class George Karl Magsayo dahil umano sa hazing sa loob mismo ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite.
Giit ni Gatchalian, dapat tiyakin ng PNPA at ng PNP na mananaig ang Anti-Hazing Act of 2018 para maibigay ang hustisya sa yumaong kadete.
Paliwanag ni Gatchalian, ipinagbabawal ng batas ang anumang uri ng hazing sa mga fraternity, sororities, at mga organisasyon sa mga paaralan, kabilang ang citizens’ military training at citizens’ army training.
Tinukoy ni Gatchalian ang report na sinuntok umano ng suspect na si Cadet 2nd Class Steven Caesar Maingat si Cadet 3rd Class George Karl Magsayo sa loob ng kanilang dormitoryo noong Setyembre 23.
Nag-collapse si Magsayo at nabigyan ng first aid ng kapwa niya mga kadete na inalerto rin ang mga opisyal ng akademya at tinakbo ito sa ospital ngunit binawian na ng buhay.
Giit ni Gatchalian, hindi dapat ito pinalalagpas dahil ang mga kadete ay dapat nagtataguyod sa karapatang pantao at sa karangalan ng institusyong nais nilang kabilangan.
Ayon kay Gatchalian, ang PNPA ay dapat nagsisilbing halimbawa sa mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa hazing lalo na’t dito hinuhubog ang kapulisang magtatanggol sa ating mga mamamayan.
Diin ni Gatchalian, ang pagpapatuloy ng ganitong mga gawain sa loob ng akademya ay pang-iinsulto at pagbabalewala sa ating batas.