Anti-illegal logging campaign sa Luzon, pinalakas na ng DENR kasunod ng naging epekto ng Bagyong Karding

Mas pinalakas pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang anti-illegal logging campaign nito sa Luzon kasunod ng naging epekto ng Bagyong Karding.

Tinatayang abot sa P1.260 million ang halaga ng 104 na piraso ng narra flitches ang nasabat ng DENR sa Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya nitong nakalipas na araw.

Ayon sa DENR, ang pagkakumpiska ng illegal forest products ay pangatlo na sa loob lang ng dalawang linggo.


Base sa ulat, isang canter van ang pinigil ng Cagayan Valley Product Monitoring Station sa nasabing lalawigan at nadiskubreng may lulan itong 2,520.75 board feet ng lumber.

Sinabi ng driver na si Rommel Mercado, taga-San Miguel, Bulacan, na ang narra flitches na dala nila ay galing sa Bulanao, Tabuk, Kalinga.

Nasa custody na ng Philippine National Police (PNP) Aritao si Mercado at helper na si Warwin Cruz para sa kaukulang imbestigasyon.

Nauna nang ipinag-utos ni DENR Region 2 Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ang mahigpit na pagbabantay sa kagubatan at pagpapatupad ng batas laban sa illegal logging sa Regions I, III at Cordillera Administrative Region.

Facebook Comments