San Fernando, La Union – Ikinalulungkot ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 ang muling pagtaas ng mga anti-narco operations sa pagsasawata ng ilegal na droga lalo na sa lalawigang Pangasinan.
Indikasyon umano ito na tumataas ang operasyon ng mga drug lords sa pagsu-supply ng ilegal na droga sa probinsya. Sa datos na ibinahagi ni Bismarck Bengwayan, tagapagsalita ng PDEA Region 1 aabot sa 179 na anti-narco operations sa Pangasinan ang isinagawa mula January hanggang June 2019 at humigit kumulang 194 na pinaghihinalaang drug personalities ang naaresto na.
Ito ay dahil umano sa kabila ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno para mapababa ang bilang ng mga taong involve sa drugs sa pamamagitan ng barangay drug clearing program nila, ay mayroon paring mga dating surrenders na bumabalik sa dating gawi. Dagdag pa ni Bengwayan na hindi madaling alisin ng mga nalulong sa droga ang ganitong bisyo lalo na kung hindi na kompleto ang rehabilitation program nila.
Paglilinaw naman ng PDEA Region 1 na ang Pangasinan ang may pinakamaraming populasyon sa buong rehiyon kaya naman hindi maiiwasang makapagtala ito ng may pinakamalaking bilang ng mga nahuhuling drug personalities. Sa kabila nito negative naman ang rehiyon sa anumang drug laboratory na napapabalita at tuloy tuloy ang kanilang isinasagawang intensive internal cleansing sa ahensya.
Samantala sa Pangasinan 2 elected officials at 2 government employees ang naitala ng PDEA Region 1 na involved sa illegal drugs.