Hindi palalagpasin ang prank callers na tumatawag sa emergency hotline ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa.
Ito ay matapos lagdaan ang City Ordinance no. 2020-141 o Anti-Prank Callers Ordinance ni Mayor Jaime Fresnedi dahilan upang maging isang ganap na batas ito ng lungsod.
Ayon kay Fresnedi, nang dahil sa ordinansa ay napagtibay ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City sa National Bureau of Investigation (NBl), National Telecommunications Commission (NTC) at Philippine National Police (PNP) upang agad na makilala ang mga prank caller.
Nakasaad sa naturang ordinansa na magmumulta ng P5,000 at maaaring makulong ng 30 hanggang 90 na araw ang sinumang lalabag dito.
Maaari namang sampahan ng kaso sa korte ang mga lumabag sa ordinansa depende kung gaano karami ang ginawang prank calls.
Ang mga menor de edad naman na lalabag sa Anti-Prank Call Ordinance ay maaari namang pagmultahin ang mga magulang nila ng P3,000 hanggang P5,000 at sasailalim naman sa mandatory whole-day seminar ang mga batang lalabag sa ipinatupad ng Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management (MCDDRM).