Anti-Terror Law, hindi dapat gamitin sa pang-aapi at pagpatay sa pangkaraniwang mamamayan

Mahigpit na ipinaalala ni Senator Risa Hontiveros sa mga magpapatupad ng Anti-Terror Law na hindi ito lisensya para sikilin at tapakan ang karapatan ng bawat indibidwal.

Giit ni Hontiveros, hindi ito dapat gamiting dahilan para mang-api at pumatay ng ordinaryong Pilipino.

Ayon kay Hontiveros, maaring gamitin ng Senado ang oversight functions nito para protektahan ang mga Pilipino laban sa mga pag-abuso at maling gawain na may kinalaman ang gobyerno.


Welcome naman kay Senator Leila de Lima ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang isang probisyon ng Anti-Terrorism Law na maaring magturing na teroristang gawain ang paggamit sa free speech o malayang pagpapahayag.

Nais namang malaman ni De Lima kung kasama sa idineklara na unconstitutional ang bahagi ng Anti-Terrorism law na nagpapahintulot sa Ehekutibo na ipakulong ng hanggang 24 na araw ang suspek sa terorismo kahit hindi suspendido ang writ of habeas corpus, dahil hanggang tatlong araw lang aniya ito bago ang kontrobersyal na batas.

Si Hontiveros ay bumoto kontra sa Anti-Terrosim Bill noong tinatalakay ito sa Senado noong Pebrero 2020 habang hindi naman nakasali sa botohan si De Lima dahil nakabilanggo.

Facebook Comments