Nagdaos ng pre-State of the Nation Address (SONA) virtual press conference ang oposisyon sa pangunguna ni opposition Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
Tinawag nila itong SONAgkaisa press conference, kung saan nilahukan ito ng mga miyembro ng oposisyon kabilang na si De La Salle President Armin Luistro at ilang militanteng mga mambabatas.
Pangunahing inupakan ng oposisyon sa kanilang pre-SONA press conference ang Anti-Terrorism Law.
Inupakan din ni Pangilinan ang aniya’y mga problemang kinakaharap at hindi maayos na natutugunan ng gobyerno sa harap ng COVID-19 pandemic kabilang dito ang pagkagutom daw ng mga Pilipino.
Idinagdag din ng oposisyon ang pagsasara ng ABS-CBN na anila’y panggigipit sa press freedom at kawalan ng trabaho.
Tinawag din ni Luistro na aniya’y malawak ang kanilang pagkakaisa ngayon kasabay ng pahayag ng oposisyon na sa darating na SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27, 2020, magsasagawa sila ng iba’t ibang mga kilos protesta para kalampagin ang gobyerno.
Tinukoy nila ang makupad na pagkilos ng pamahalaan gayundin ang katiwalian sa gobyerno at ang panggigipit tulad ng Anti-Terror Law.
Umapela rin sa publiko ang oposisyon na samahan sila sa malaking pagkilos sa July 27, 2020, araw ng State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.