Anti-Terrorism Bill, imposibleng i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte

Duda si Opposition Senator Francis “Kiko” Pangilinan na ibi-veto o ibabasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Bill na ngayon ay nasa Makanyang na.

Tinukoy ni Pangilinan ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sang-ayon si Pangulong Duterte sa paninindigan ni Senator Panfilo Lacson na kailangan ng bansa ang Anti-Terrorism Law.

Bunsod nito ay inaasahan ni Pangilinan na matutuloy ang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Bill dahil siguradong lalagdaan ito ni Pangulong Duterte.


Dahil dito, ang pagdulog na lang sa Supreme Court ang nakikita ni Pangilinan na legal na hakbang para harangin ang Anti-Terrorism Bill.

Kabilang sa mga probisyon sa panukala na pangunahing tinututulan ni Pangilinan ay ang pagkulong sa isang suspek sa terorismo ng mula labing apat hanggang dalawamput apat na araw, pagpapahintulot sa bubuuing Anti Terrorism Council (ATC) na mag-utos ng warrantless arrest, at ang kapangyarihan ng isang korte na ideklarang terorista ang isang tao o organisasyon.

Paliwanag ni Pangilinan, mapanganib na magkaroon ng ganitong kapangyarihan ang isang administrasyon na nagpakulong ng isang senadora, nagpatalsik ng Supreme Court Justice, at nagkasa ng drug war kung saan napatay ang halos 6,000 katao na nanlaban daw sa mga otoridad.

Facebook Comments