Dapat na maingat na maipatupad ang Anti-Terrorism Law para masigurong hindi ito magagamit laban sa mga indibidwal o grupo na walang kinalaman sa anumang uri ng terorismo.
Ito ang paalala ng security analyst na si Professor Rommel Banlaoi kasunod ng mga pangambang mauwi sa malawakang red-tagging ang plano ng Anti-Terrorism Council (ATC) na ilabas ang listahan ng mga indibidwal o organisasyon na ituturing bilang terorista sa ilalim ng bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Banlaoi na hindi pwedeng maging basehan ang suspetsa para ma-designate na terorista ang isang tao o grupo.
Dapat tiyakin ng ATC na may matibay na probable cause bago magkaroon ng designation, bagay na ginagarantiya naman aniya ng batas.
“Kailangan na mag-exercise ng due diligence ang ating Anti-Terrorism Council at ‘yong basehan ng pagde-designate dapat may probable cause. Kung hindi mag-iingat ang ating authorities, hindi mag-iingat ang ating security forces, nakalagay rin po sa Implementing Rules and Regulations ‘yong kanilang accountabilities,” ani Banlaoi.
Samantala, nakasaad din aniya sa IRR na pwedeng hamunin ng sinumang mapaparatangang terorista ang designation na ginawa ng ATC.
Kung mapatunayan na hindi sila terorista, maaari silang manghingi ng danyos.
Maaari ring panagutin sa batas ang ATC at mga law enforcers dahil sa “wrong call information”.
“Pwede niyo pong i-challenge ‘yang designation. At kung mapatunayan na walang basehan at walang probable cause ang designation na ginawa ng ATC ay ini-specify po sa Implementing Rules and Regulations ‘yong procedure for the lifting,” saad pa ng security analyst.
Kasabay nito, nilinaw rin ni Banlaoi na hindi kasali ang mga raliyista at demonstrador sa mga posibleng tukuyin bilang mga terorista dahil protektado ang mga ito sa ilalim ng Anti-Terror Law.
Pero bilang mga responsableng mamamayan, dapat tiyakin ng mga raliyista na mapayapang isasagawa ang mga protesta.
“Ang pagde-demonstrate po ay pino-protektahan ng Anti-Terrorism Act of 2020. ‘Yan po ay ini-reaffirm, ini-reiterate at nire-enforce ng IRR dahil ang pagra-rally, pagde-demonstrate ay civil at political rights na dapat pong protektahan,” paliwanag ni Banlaoi.
“Kung ang paggamit ng pwersa, pangangalampag o panggugulo ay hindi na po commensurate at ito po ay nagko-cause na ng damage for public safety and order, mananagot po kayo talaga… under existing law, pwede pong Revised Penal Code ‘yan at titingnan ng pamahalaan kung pwedeng ma-apply sayo yung Anti-Terrorism Act,” dagdag pa ni Banlaoi.