Muling iginiit ng Makabayan bloc na maisabatas sa lalong madaling panahon ang mga panukalang nag-aalis sa pagpapataw ng 12% value added tax o VAT sa ilang mga serbisyo na binabayaran ng publiko.
Kabilang dito ang mga panukalang huwag ng patawan ng VAT ang “systems loss” sa kuryente at electricity bills.
Kasama rin ang mga panukalang alisan ng VAT ang toll fees, at ang water bills o singil sa serbisyo ng tubig.
Umaapela ang Makabayan sa liderato ng Kamara na aksyunan ang naturang mga panukala habang hinihiling nila sa palasyo na ideklarang “urgent” ang mga ito.
Diin ng Makabayan bloc, layunin ng naturang mga panukala na matulungan ang mamamayan sa gitna ng nagpapatuloy na epekto ng COVID-19 pandemic at inflation o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Paliwanag ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang naturang mga panukala ay kongkretong hakbang para mapagaan ang kalagayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbawas sa kanilang mga bayarin.