Seryosong pinag-aaralan ng House Committee on Ways and Means ang mga panukalang alisin ang value added tax (VAT) sa systems loss ng kuryente, electric at water bills pati sa toll fees kung saan maaring umabot sa ₱187 billion ang mawawalang kita sa gobyerno.
Inihayag ito ng chairman ng komite na si Albay 2nd District Representative Joey Salceda bilang tugon sa nais ni Pangulong Bongbong Marcos na pag-aralang mabuti ng Mababang Kapulungan ang mga panukalang tapyasan ng VAT ang ilang public utilities o serbisyo na binabayaran ng publiko lalong-lalo na ang kuryente.
Kaugnay nito ay binigyang diin ni Salceda na kailangang maging maingat upang maiwasan ang anumang “revenue negative action” o masamang epekto sa kita ng pamahalaan.
Paliwanag ni Salceda, anumang panukalang babawas sa koleksyon ng gobyerno ay tiyak na makaapekto sa paglago ng ekonomiya na pinagsisikapan ng Marcos administration na makamit ngayong taon.