May ebidensya nang nagpapakita na nagbibigay ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19 ang mga booster dose.
Ito ang iginiit ni dating National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Tony Leachon makaraang sabihin ni Dr. Edsel Salvana ng Department of Health – Technical Advisory Group (DOH-TAG) na wala pang katiyakan kung malaki ang pakinabang ng booster shot.
Ayon kay Leachon, una nang lumabas sa mga pag-aaral na tumataas ang antibodies ng mga indibidwal na naturukan ng third dose na maaaring tumagal ng siyam hanggang sampung buwan.
Inihalimbawa rito ng health expert ang naging sitwasyon sa Israel, Amerika at UK na kauna-unahang mga bansa sa buong mundo na nagturok ng booster shots.
“Nung nakapagbakuna sila nang kumpleto from December to March, ang Israel ang unang nagtanggal ng mask sa buong mundo followed by US kaya lang nagkaroon ng Delta variant from India,” ani Leachon sa interview ng RMN Manila.
“So, lumabas sa pag-aaral nung July, yung mga unvaccinated, maraming cases at marming namamatay.”
“Yung dalawang bakuna, nakakatulong kaya lang bumababa ang efficacy after 6 months, so nagbakuna muna sila ng mga 60 years old… Tapos eventually, napatunayan nila ‘pag nag-third dose sila across all age group, lahat nagbebenepisyo.”
“For the last two weeks, dapa na yung cases nila,” dagdag pa niya.
Samantala, gaya ng mga bakuna laban sa flu at pneumonia, pwede ring iturok ng COVID-19 vaccine kada taon.
“So merong ebidensya… lumalabas na tumataas yung antibody level kapag naka-third shot ka. Ito raw third shot na ‘to ay tatagal ng nine to ten months after injection ng third shot.”
“So, maaaring mangailangan tayo ng yearly ng vaccine, particularly itong bakuna ng Pfizer from year on, parang sa flu or pneumonia vaccine yearly,” saad pa ng health expert.