Nagsasagawa ngayon ng contact tracing ang pamunuan ng Antipolo City Government sa labing-walong (18) mga vendor na nagpositibo sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) COVID test para malaman kung sinu-sino ang mga nakasalamuha ng mga ito.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, simula noong June 25, 2020, ilan sa 800 tenants at empleyado ng public market ay sumailalim sa COVID-19 test kung saan umaabot sa kabuuang 28 ang nagpositibo sa rapid test.
Paliwanag ng alkalde, ang 28, kabilang ang 20 iba pa, ay nakitaan ng sintomas ng naturang virus na isinailalim sa RT-PCR test na nagresulta ng 18 kumpirmadong nahawaan ng COVID-19, kung saan sa 18 pasyente, 15 rito ay taga-Antipolo habang ang tatlong iba pa ay nagmula sa kalapit na bayan.
Dagdag pa ni Ynares na tulad ng dati, wala na silang iintindihin sa airconditioned quarantine facilities ng Antipolo City Government dahil sagot na nila ang lahat mula pagkain at gamot kung kakailanganin, at mayroon pang TV at cable para malibang bukod dito ay may bantay din na doctor at nurse sa nasabing pasilidad.
Giit ng alkalde, kung sakaling lumala umano ang kanilang kondisyon, sasagutin na nila ang gastos sa kanilang pagpapa-ospital kung wala silang PhilHealth.