Apat katao kabilang ang isang babae, arestado sa pot session sa Taguig

42

Manila, Philippines – Timbog ang apat na katao kabilang ang isang babae na hinihinalang drug pusher at user nang maaktuhan nagpo-pot session sa isinagawang drug raid ng mga tauhan ng Taguig City Police sa Upper Bicutan, Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District Director Chief Supt. Tomas Apolinario ang apat na nadakip na sina Michelle Pineda, Michael Hesita, Pendatun Salazar at si Michael Gempesao, na pawang nasa hustong gulang at naninirahan sa Reposal St. Upper Bicutan nang nasabing lungsod.

Nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan na sina James Ralutin at isang alyas Biboy.

Nakumpiska sa mga suspect ang anim na plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu na aabot sa mahigit dalawang libong piso ang halaga at mga drug paraphernalia.

Ayon kay Chief Inspector Jonathan Arribe, hepe ng Police Community Precinct (PCP)-2 ng Taguig City Police, nasa drug watch list ang mga suspect at sumuko pa sa oplan tokhang.

Agad naman dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang apat na kung saan todo tanggi ang mga ito sa paratang sa kanila ng mga pulis.
Nation

Facebook Comments