Apat na dagdag na sites ng EDCA, pinapaimbestigahan ng Senado

Iimbestigahan ng Senado ang inaprubahan ng Ehekutibo na pagdaragdag ng apat na bases sa ilalim ng kasunduan na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Itinakda sa March 1 ang pagsisiyasat dito ng Senate Committee on Foreign Relations sa pangunguna ni Senator Imee Marcos.

Aalamin ng komite kung saan ang apat na bagong lugar, bakit kailangang dagdagan ang mga bases at kung bakit ang mga ito ang napili.


Sisilipin din ang maaaring benepisyo at panganib na dala nito.

Aalamin din sa pagdinig ang kasalukuyang status ng limang naunang EDCA sites na nasa Palawan, Nueva Ecija, Pampanga, Cagayan de Oro at Cebu.

Matatandaang sinabi ng mga Defense officials ng Pilipinas na ang apat na dagdag na EDCA sites ay para sa prepositioning ng mga equipment na agad magagamit ng US forces kapag nangailangan ang bansa ng tulong dahil sa kalamidad at iba pang climate-related na sakuna.

Facebook Comments