Kalaboso ang apat na kalalakihan matapos na makuhaan ng ilegal na droga at mga patalim sa Makati Avenue, Barangay Poblacion, Makati City.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa lugar nang makita ang mga suspek na walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo.
Agad silang pinara ng mga pulis para kunin ang driver license pero sa halip na ibigay ay mga bastos pa ang mga itong sumasagot sa mga pulis.
Kaya naman agad silang kinapkapan ng mga pulis at nakuha ang ilang sachet ng shabu at ilang patalim.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Mark,” isang menor de edad, Alvin Gillaco, 31-anyos, Rj de Jesus, 27-anyos at John Philip Hardman, 23-anyos.
Sa ngayon, nahaharap na ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Article II Section 11 of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Illegal Possession of Bladed Weapon at paglabag sa Mandatory Use of Motorcycle Helmets.