*NUEVA ECIJA- *Mas lalo pang pinaigting ngayon ng 7th Infantry Division na naka-base sa Nueva Ecija ang pagsasagawa ng information awareness sa taongbayan upang hindi malinlang ng mga New People’s Army (NPA) sa kanilang mga patibong upang makapag-recruit o di kaya’y makahingi ng pera at pagkain.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Lieutenant Col. Eugenio Osias IV ng 7th Infantry Division, ito ay may kaugnayan umano sa kanilang nahuling apat na miyembro ng NPA sa Brgy Abanao, Nueva Ecija.
Aniya, nahuli kamakailan ang apat na NPA matapos rumesponde ang pwersa ng Kaugnay Division at pwersa ng kapulisan dahil sa kanilang natanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant sa umano’y pabalik-balik na panghihingi ng pera at pagkain ng mga armadong grupo ng NPA.
Nagresulta ito sa pagkakadakip ng apat na armadong kasapi at tagapag-organisa ng NPA na kinilala sa mga pangalang “Maris” bilang kanilang pinuno, “Ledesma”, Ellaine Emucling “alyas ka-george” na studyante umano ng PUP Manila at si Richelle na taga Butuan City.
Matapos umanong mahuli ang mga ito kasama ang mga dalang machine guns, mga explosive devices, mga ammunitions at mga dokumento ay agad silang dinala sa CIDG Cabanatuan para sa kanilang kaukulang dokumentasyon.
Kaugnay nito ay na inquest na sina Maris at Ledesma at nasa pangangalaga na ang mga ito ng Provincial Jail ng Nueva Ecija habang sina Emucling at Richelle naman ay out on bail na.
Hinimok naman ni Osias ang lahat ng mga kasapi ng NPA na sumuko na lamang sa gobyerno upang matamasa ang inihandang tulong ng pamahalaan at mamuhay ng payapa kasama ang mga iniwang pamilya.