
Nakakadurog ng puso para kay House Committee on Senior Citizens at Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ompong Ordanes ang viral video ng apat na lalaki na pinaglalaruan ang kanilang lola na may kapansanan.
Bunsod nito ay iginiit ni Ordanes sa Philippine National Police (PNP) at sa Department of Justice (DOJ) prosecutor sa Antipolo City, Rizal na kasuhan ang nabanggit na mga lalaki sa video na umabuso sa sarili nilang lola.
Umaapela din si Ordanes kay PNP Chief General Rommel Marbil na palawakin ang saklaw ng PNP Women’s and Children’s Desk at isama ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWD).
Hiniling din ni Ordanes sa Department of Social Welfare and Development (DWSD) at sa Antipolo Office of the Senior Citizens Affair na tutukan ang insidente upang masigurong tuloy ang kaso at mailalagay sa wastong pangangalaga ang biktimang lola.
Panawagan ni Ordanes na ilayo ang lola sa mga abusado niyang kaanak at bigyan ng guardian o taga-pangalaga na tunay na nagmamahal sa kanya.