2nd Earthquake Summit ng OCD, aarangkada ngayong araw

Idaraos ngayong araw ang ikalawang Earthquake Preparedness Summit ng Office of Civil Defense (OCD) na layong palakasin ang kahandaan ng bansa sakaling tumama ang isang malakas na lindol.

Sa temang “A Heightened Preparedness and Readiness to Respond,” tampok sa summit ang mas malawak na diskusyon ukol sa kahandaan, higit pa sa karaniwang “Duck, Cover, and Hold.”

Ang summit ay isasagawa sa gitna ng pangamba matapos ang magnitude 7.7 na lindol na tumama kamakailan sa Myanmar na ikinasawi ng mahigit 3,000 katao.

Ayon kay OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, panahon na para seryosohin ng Pilipinas ang bantang maaaring idulot ng paggalaw ng West Valley Fault (WVF).

Batay sa pag-aaral, apat na beses nang gumalaw ang WVF sa loob ng 1,400 taon kung saan kada 400 taon ang pagitan at ang huling lindol ay naganap noon pang 1658.

Inaasahang tatalakayin sa summit ang Harmonized National Contingency Plan na isang komprehensibong plano ng bansa para sa mabilis na pagtugon sa lindol sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Facebook Comments