Apat na nasawi sa sumadsad na cargo vessel sa Surigao del Norte, nakilala na

Kinilala na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na nasawing tripulante nang sumadsad na cargo vessel sa Surigao Del Norte.

Sa ulat na ipinadala PCG Station Surigao del Norte sa punong tanggapan ng Coast Guard sa Maynila, kinilala ang mga biktima na sina Norman Galon, natagpuan sa dalampasigan ng Brgy. Balite, San Franciso; Michael Inoc na nakita sa dalampasigan ng Brgy. Jubgan, San Francisco; Jose Sherwin Laniba na natagpuan sa dalampasigan ng Brgy. Jubgan, San Francisco at Mark Evan Cuesta, na nakita sa dalampasigan ng Brgy. Mabua, Surigao City;

Una rito ay natagpuan ang pitong survivor na sina Noli Labucay, ang chief mate na si Roger Polo; Arjie Bacarra, Joejie Villanueva, Felipe Quebuen, John Renzo Guanzon at Junmar Galeos, na pawang ginagamot sa iba’t ibang ospital sa lalawigan.


Samantala, ipinagpapatuloy ng PCG at ng PNP Maritime Group ang search and rescue (SAR) operations sa siyam pang nawawalang biktima na sumadsad ang cargo vessel na LCT CEBU GREAT OCEAN.

Ginamit na rin ng PCG ang sasakyan nito upang magsagawa ng paghahanap sa dalampasigan ng Malimono at San Francisco.

Habang nag-deploy na rin ng drone ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Surigao del Norte at ginamit na rin ang private plane ng may-ari ng nasabing vessel para sa isinasagawang aerial survey sa bisinidad ng dagat na nasasakupan ng Malimono at San Francisco bilang suporta sa nagpapatuloy na Search and Rescue Operation.

Facebook Comments