Apat na paaralan at isang samahan ng mga magsasaka ang nakatanggap ng mga kagamitang pansaka at gardening supplies sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Department of Agriculture (DA).
Isinagawa ang turnover ceremony kahapon sa City Plaza kung saan ipinamahagi sa mga benepisyaryo ang mga buto ng gulay, plastic drums, at iba’t ibang kagamitan at kasangkapan sa paghahalaman.
Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong ang West Central Elementary School, Lucao Elementary School, North Central Elementary School, T. Ayson Elementary School, at Mauksoy Salisay Irrigators Association.
Ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan, napapanahon ang pagpapatupad ng programa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga hamong dulot ng El Niño na maaaring makaapekto sa produksyon at suplay ng pagkain.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga binhi at kagamitang panghalamanan, inaasahang mas mapalalawak ang pagtatanim ng mga gulay at mapalalakas ang kakayahan ng mga paaralan at samahan na makapagtanim ng sariling pagkain.
Bahagi rin ito ng mga hakbang upang maisulong ang sustainable food production at magkaroon ng mas matatag na mapagkukunan ng pagkain para sa mga mamamayan ng Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











