Tiniyak ng apat sa top 6 na presidential candidates na hindi nila kukunsintihin ang korapsyon sakaling mahalal sila bilang susunod na pangulo.
Sa Usapang Halalan 2022: The CBCP Election Forum ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at Jesuit Communications, sinabi ni ka Leody de Guzman na plano niyang tapusin ang korapsyon sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga korap na opisyal na tumakbo sa public office.
Naniniwala naman si Senator Manny Pacuqiao na ang korapsyon ang dahilan kung bakit naghihirap ang ating mga kababayan lalo na’t bilyun-bilyong piso umano ang ninanakaw sa pondo ng gobyerno.
Para naman kay Vice President Leni Robredo, magtatalaga siya ng mga taong eksperto sa kanilang trabaho at wala ring bahid ng korapsyon.
Samantala, iginiit naman ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales na dapat baguhin mismo ang sistema upang hindi pag-ugatan ng mga katiwalian kagaya ng mga panunuhol dahil sa mabagal na proseso ng ilang mga tanggapan.