Manila, Philippines – Apat na probinsya sa Mindanao ang unang mabibiyayaan ng 50 milyong pisong halaga ng medical equipment mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sinabi ni PCSO General Manager Alexander Balutan, ang apat na probinsyang ito ay mga mahihirap na lalawigan sa rehiyon na tinukoy ng National Anti-Poverty Commission.
Kabilang dito ay ang lalawigan ng Sulu, Maguindanao, Lanao Del Sur at Saranggani.
Ipinaliwanag ni GM Balutan, ang proyektong ito ay sa ilalim ng Integrated Health for Overall Productivity and Empowerment ng PCSO para tulungan ang mga mahihirap na probinsya na mapabuti ang kalagayang kalusugan ng mga naninirahan doon.
Bukod sa pagiging kabilang sa mahihirap ng probinsya, ang mga nabanggit na lalawigan ay kabilang din sa mga lugar na madalas may bakbakan ang tropa ng military at mga rebeldeng Muslim.
Si Balutan ay na-assigned sa nasabing mga probinsya noong aktibo pa siyang miyembro ng Philippine Marines sa loob ng dalawampong taon kung saan nakita niya na ang pangunahing problema doon ay ang usapin ng kalusugan.
Tiniyak naman ng PCSO General Manager na mabibigyan din ng mga medical equipment ang iba pang mga probinsya sa bansa at ito ay plano nilang matapos hanggang sa susunod na taon.
DZXL558, Silvestre Labay