Nasa 20 na ngayon ang mga empleyado ng Senado na dinapuan ng COVID-19 dahil dumagdag pa dito ang apat (4) na staff ng tatlong (3) senador.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ang isa ay mula sa kanyang opisina, ang isa ay sa opisina ni Senator Nancy Binay at dalawa umano ay sa iba pang senador.
Kung si Zubiri ang masusunod, nais niya nang maisailalim sa total lockdown ang Senado.
Pero muling ipinaliwanag ni Senate President Vicente Tito Sotto III na hindi uubra ang total lockdown kaya magpapatuloy lang ang ipinapatupad na semi- lockdown sa Senado kung saan pinapayagan ang skelatal force.
Sinabi ni Sotto, kapag pinairal ang total lockdown sa Senado ay may mga importanteng transaksyon na hindi maipoproseso tulad ng payroll o pasweldo sa mga empleyado at kapag nangyari ito ay marami sa kanila ang magugutom.