Apat, nadagdag sa bilang ng tinamaan ng COVID-19 Delta Variant

Inihayag ngayon ng Department of Health (DOH), University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) na apat ang nadagdag sa bilang ng tinamaan ng COVID-19 Delta Variant.

Ayon sa DOH, tatlo sa mga ito ay pawang Returning Overseas Filipinos (ROF) na crew ng MV Eastern Hope.

Nabatid na galing sa South Korea ang nasabing barko ng magpositibo sa virus ang mga pinoy crew kaya’t pinauwi ang mga ito sa Pilipinas noong June 3, 2021 kung saan dalawa sa kanila ay nakumpleto na ang 10-day isolation habang ang isa ay kasalukuyang naka-admit sa isang hospital sa Metro Manila.


Ang ika-apat na kaso naman ay isa ring Returning Overseas Filipinos (ROF) na dumating sa bansa noong May 24, 2021 mula sa bansang Saudi Arabia.

Nakumpleto na rin nito ang kaniyang isolation at nakarekober na sa sakit kung saan nakalabas na rin ng isolation facility noong June 10, 2021 pero nananatili sa strict home quarantine bilang protocols ng lokal na pamahalaan kung saan ito nakatira.

Dahil sa nasabing nadagdag na kaso ng Delta variant, umaabot na sa 17 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng nasabing virus na sinasabing mas mabilis na nakakahawa kumpara sa naunang naitalang virus sa bansa.

Facebook Comments