Apat ng tindahan ng face mask sa Maynila, ipasasara ni Mayor Isko Moreno

Apat na tindahan na nagbebenta ng face mask ang nakatakdang ipasara ni Mayor Isko Moreno ngayong araw.

Ang mga nasabing tindahan ay ang Ambitrend Trading, Cloud 7 Store, Cathay Oriental Chinese Store at LVD Chinese Drug Store na nasa isang mall sa Divisoria.

Ang mga nasabing tindahan ay ni-raid ng Manila Police District (MPD) Special Mayor’s Reaction Team noong January 31 dahil sa mga sumbong ng overpricing ng mga mask.


Ayon kay Levi Facundo, Hepe ng Bureau of Permit ng Maynila, ang pagpapasara sa mga nasabing tindahan ay dahil sa mga nakitang paglabag sa kanilang business permit.

Sinabi pa ni Facundo na naisilbi na rin nila ang show cause order sa MEC Medical Supply, New Genesis Medical Supplies, Medical shop at Citimed Polyclinic & Drugstore dahil sa reklamo ng overpricing ng mga face mask.

Sumagot na rin naman aniya ang mga ito sa show cause at naipasa na nila sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa ngayon, hinihintay nalang aniya nila ang sagot ng DTI kung ano ang magiging rekomendasyon nito.

 

Hindi kasi maaaring basta magpasara ng business establishment ang Manila City Government hangga’t walang rekomendasyon ng DTI.

Facebook Comments