Nadagdagan pa ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Karding sa Luzon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sumampa na sa 299,127 pamilya o katumbas ng 1,072,282 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.
Mula ito sa 1,915 mga barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region at Cordillera.
Sa nasabing bilang, 3,098 indibidwal o 821 pamilya pa ang nananatili sa 26 na evacuation centers habang 43,354 na katao o 8,818 pamilya ang nakikitira muna sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Ayon sa NDRRMC, kabuuang P57,890,166 na halaga na ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektado ng bagyo.
Kabilang na rito ang mga family food packs, food items at tulong pinansyal.
Nananatili naman sa 12 ang bilang ng nasawi dahil sa Bagyong Karding, 52 ang nasugatan at 5 ang nawawala.