Nagpulong kagabi ang ilang miyembro ng gabinete sa Malakanyang matapos magpatawag ng emergency meeting si Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ito ay dahil pa rin sa panawagan ng mga medical frontliner na muling isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, maliban sa kaniya ay kasama sa pulong sina Department of Budget and Management (DBM) Sec.Wendel Avisado, Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III, Department of Interior and Local Government (DILG) Sec.Eduardo Año, Department of National Defense (DND) Sec.Delfin Lorenzana, Senior Deputy Executive Secretary Michael Ong and Presidential Assistant for Foreign Affairs Robert Borje.
Kabilang din sa nasabing meeting sina National Task Force (NTF) COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, NTF Deputy Chief Implementer & Testing Czar Vince Dizon at si DOH Usec. and Treatment Czar Dr. Leopoldo Vega.
Maging si Sen. Bong Go, na Chairman ng Senate Committee on Health, ay kasama rin sa pulong.
Dagdag pa ni Roque, kung anuman ang magiging na resulta at mabubuo na rekumendasyon sa naturang pulong ay agad nilang ipapasa kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang kinumpirma ni Sec. Roque na pinakilos na ni Pangulong Duterte ang IATF ukol sa apela ng mga medical workers.
Ayon sa kalihim, itinuturing ng Malacañang ang mga skilled, walang kapaguran at dedicated healthcare workers na mahalagang frontliners sa paglaban ng COVID-19.
Matatandaang una nang nanawagan ang ilang frontline medical workers kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa ECQ ang Metro Manila.
Ito’y para mabigyan sila ng pagkakataon na makapagpahinga at makabawi ng lakas, bunsod ng namemeligrong estado ng medical health facilities sa bansa.