Nakarating na sa kaalaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng Bacolod City officials na i-extend ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kanilang lugar hanggang May 15, 2020.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, ang nasabing hiling ay dadaan sa pagsusuri at approval ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sinabi pa ng kalihim na mainam na hintayin ng Bacolod City officials ang desisyon ng IATF hinggil dito na posibleng ilabas bukas.
Nabatid na magtatapos na ang ECQ sa Bacolod sa darating na April 30 at kasama na ito sa mga lugar na sasailalim sa General Community Quarantine (GCQ).
Pero sa ipinasang unanimous resolution ng Bacolod City hinihiling nilang palawigin pa ang ECQ hanggang May 15.
Ayon sa city council, nagsisilbi ang Bacolod city bilang sentro ng business at leisure sa buong probinsya ng Negros Occidental at kahit sa kalapit na Negros Island kaya pangamba ng konseho na kapag tinanggal ang ECQ sa kanilang lugar ay magkakaroon ng influx o pagdagsa ng mga tao na tiyak namang mahirap kontrolin ang kanilang galaw.
Layon aniya nitong mapigilan ang posibleng pagpasok ng COVID-19 sa Bacolod lalo na’t wala pang bakuna kontra dito.
Sa pinaka huling datos mayroong hindi bababa sa 10 kaso ng COVID-19 sa Bacolod kung saan dalawa na ang nasawi.