Land Bank, nagbukas pa ng ilang sangay para maipamahagi ang financial assistance ng PUV drivers

Binuksan na rin ang ilang sangay ng Land Bank sa Laguna, Batangas, Cavite at Pampanga simula kahapon para mamigay ng cash assistance sa mga qualified Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon sa Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB), operational ang mga sangay ng bangko hanggang April 30 mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Muling pinaalalahanan ang mga drayber na huwag pumunta sa Landbank kung wala pa sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangalan.


Base sa datos, umabot na sa 392,662 na pangalan ng PUV drivers ang naisumite ng LTFRB sa DSWD para sa counter-checking at validation.

Oras na ma-validate, ang mga qualified drivers ay isasali ng DSWD sa payroll na siya namang ibibigay sa Landbank para sa pag-release ng ayuda.

Sa ilalim ng programa, bawat benepisyaryo ang makakatanggap ng cash assistance ng ₱5,000 at ₱8,000 depende sa regional minimum wage rate.

Facebook Comments