Apela ng Simbahang Katoliko na limitahan na lamang ang mga religious gatherings, pag-uusapan na ngayong araw ng IATF

Pag-uusapan na ngayong araw ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang apela ng Simbahang Katoliko na limitahan na lamang ang mga religious gatherings imbes na ipagbawal ito sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna na kabilang sa NCR Plus bubble.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, kabilang sa hiling ng Simbahang Katolika na payagan kahit 10 porsiyento ng kapasidad ng mga simbahan mula sa Huwebes Santo (Abril 1) hanggang Sabado de Gloria (Abril 3).

Kasama rin dito ang sa Pasko ng Pagkabuhay (Abril 4), kasabay na rin ng pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.


Nabatid na base sa inilabas na resolusyon ng IATF, epektibo nitong nakaraang Marso 22 ang pagbabawal sa anumang pagtitipon sa simbahan kung saan nagbabala si Presidential Spokesperson Harry Roque na kailangang sundin ang direktiba dahil handa ang gobyerno na gamitin ang ‘police power’ para ipatupad ito.

Facebook Comments