Binuksan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang application ng special permit ng mga Public Utility Vehicle (PUV) para sa Undas.
Ito’y bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para gunitain ang araw ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Sa isang advisory, hinikayat ng LTFRB ang mga PUV operators na mag-apply nang maaga upang makuha agad ang kanilang special permit at makapaghanda nang maaga para sa kanilang biyahe sa Undas.
Kinakailangan lang na dalhin ng mga ito ang mga documentary requirements gaya ng
1.) OR/CR ng mga sasakyan
2.) Personal Passenger Insurance Policy
3.) Franchise Verification
Nagpaalala ang ahensya sa mga PUV operator at driver na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya sa pagpasada.
Babala ng LTFRB, papatawan ng karampatang parusa base sa mga kondisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC), Special Permit, at ng Joint Administrative Order ang sinumang mahuling magpapasaway.