Inaprubahan na ng DOJ ang aplikasyon para sa Asylum ni Iranian Beauty Queen Zare Bahari Bahareh.
Sa pamamagitan ng resolusyon ng DOJ na pirmado ni Senior State Counsel Rosario Elena Laborte Cuevas, kinikilala na ng gobyerno ng Pilipinas bilang refugee ang beauty queen.
Inatasan na rin ng DOJ ang Bureau of Immigration na tatakan ang passport ni Bahareh.
Kasunod ng pagkakadeklara sa kanya bilang isang refugee, libre na si Bahareh sa pagbabayad ng alien registration form at immigration fees.
Kung nais naman niyang magtrabaho, pagkakalooban siya ng DOJ ng Certification for Exemption on Alien Work Permit mula sa DOLE.
Irerekumenda rin ng RSPPU sa DFA ang pag-iisyu ng travel document kung ito ay kakailanganin ni Bahareh.
Kalakip din ng liham para kay Bahareh ay ang application form para sa kanyang Refugee Identification Card.
Una nang naharang sa NAIA si Bahareh dahil sa pagtimbre ng Iranian Embassy dahil sa pagiging aktibista daw nito sa kanilang bansa, kaya nagdesisyon ang Iranian beauty queen na mag-apply para sa refugee status sa Pilipinas.