Aplikasyon para sa jobs program ng DOLE, ginawa nang online

Gagawin nang online ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang proseso ng aplikasyon para sa tulong pinansiyal ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakabuo na sila ng online system para mapadali ang pagpasa ng mga aplikasyon ng mga benepisyaryo ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP.

Maaaring mag-apply dito ang mga establisyimentong apektado ng pandemya, gayundin ang mga establishment na accredited ng Department of Tourism (DOT) at ang mga manggagawang nawalan ng trabaho o mga pansamantalang natanggal sa trabaho.


Maaaring ma-access ang naturang online application system ng DOLE sa https://reports.dole.gov.ph/.

Kailangan lamang sundan at kumpletuhin ng mga aplikante ang proseso ng aplikasyon online.

Ang mga establisyimentong mag-a-apply online ay kailangang mayroong ERS account o mag-register muna para makapag-apply.

Para naman sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, kailangan lamang sagutan ng aplikante ang mga impormasyong hinihingi ng DOLE.

Ang mga benepisyaryo ng CAMP program ay maaari nang masundan kung ano na ang estado ng kanilang aplikasyon sa internet.

Sa ilalim ng CAMP program, maaaring makatanggap ang benepisyaryo nito ng tig-P5,000 financial assitance mula sa pondo ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan 2.

Facebook Comments