Appropriations Chairman Eric Yap, tiwalang masesertipikahang ‘urgent’ ni Pangulong Duterte ang 2022 national budget

Malaki ang tiwala ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Go Yap na masesertipikahan bilang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P5.024 trillion na 2022 national budget.

Ayon kay Yap, sa darating na Huwebes ay makikipag-pulong siya kasama si House Speaker Lord Allan Velasco kay Executive Sec. Salvador Medialdea.

Ipapaliwanag aniya nila sa Ehekutibo kung bakit kailangang masertipikahang urgent ng presidente ang panukalang 2022 General Appropriations Act (GAA).


Sinabi pa ni Yap na mahalagang ma-certify as urgent ang pambansang pondo sa susunod na taon dahil ang budget sa 2022 ang may pinakamalaking alokasyon sa kasaysayan ng bansa pero maiksi naman ang panahon ng Kongreso para tapusin ang paghimay sa pondo.

Aniya, isang buwan lamang ang panahon ng Kamara para busisiin at pagtibayin ang 2022 national budget sa komite at sa plenaryo.

Nakatakda kasing mag-break ang Kongreso sa unang araw ng Oktubre para sa paghahain ng Certificates of Candidacy (COCs) para sa 2022 election.

Kumpiyansa si Yap na pagbibigyan ng pangulo ang hirit ng Kamara na certification sa 2022 national budget dahil ito naman ay para sa mga Pilipino na lumalaban ngayong pandemya.

Facebook Comments