APRUBADO | Dagdag na capitalization ng BSP, pasado na sa Kamara

Manila, Philippines – Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para itaas ang capitalization ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa P200 Billion mula sa P50 Billion.

Sa botong 219 ay nakalusot na sa plenaryo ang House Bill 7742 na naglalayong palakasin ang monetary at financial stability gayundin ang pagsasaayos ng regulatory powers ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Layunin ng panukala na maisaayos ang credit at banking system sa bansa.


Pinapalawak din nito ang pamamahala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan mapapasailalim na nito ang iba pang financial institutions.

Binibigyang kapangyarihan din ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpataw ng parusa sa mga financial institutions na nagsagawa ng transakyon na hindi dumadaan sa kanilang pag-apruba.

Nakasaad din sa panukala ang pagpapalakas sa purchasing power ng mga Pilipino, ang pagtiyak sa paglakas ng halaga ng piso at pagpapatupad ng seguridad sa mga non-bank private sector.

Ayon naman kay House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Ben Evardone, umaasa siya na makakatulong ang panukala para matugunan ang pangangailangan ng bansa para sa paglago ng ekonomiya partikular na ang problema sa pagtaas ng inflation.

Samantala, nakasalang ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa pagdinig ng Committee on Appropriations kaugnay sa P3.757 trillion 2019 budget.

Facebook Comments