Manila, Philippines – Hinamon ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang Mababang Kapulungan na madaliin ang pag-apruba sa consolidated bills na House Bills 1617 at 8128 o ang Human Rights Defenders Bill.
Inaprubahan ngayong araw sa committee level ang panukala na layong mabilis na mabigyan ng aksyon ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim ng panukala ay inoobliga ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na aksyunan sa loob lamang ng tatlong araw ang mga reklamo ng human rights violation.
Inilatag din sa panukala ang mga karapatan na ibinibigay sa mga tinaguriang human rights defenders gayundin ang pagprotekta sa kanila mula sa karahasan, pagbabanta, paghihiganti, diskriminasyon o kahit anong uri ng pressure.
Ayon kay Zarate, “very timely” ang pagpapasa sa panukala lalo at nakaranas ng harassment mula sa gobyerno ang mga human rights defender na sina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at teachers advocate ACT Teachers Representative France Castro.
Sinabi pa ng kongresista na makasaysayan ang pagpapasa sa komite ng Human Rights Defenders Bill na simula 2007 pa niya isinusulong.
Umaasa si Zarate na sa oras na maisabatas ito ay matutulungan nito na maprotektahan ang karapatan at buhay ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.