Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4113 o ang panukalang batas na nagpapalawig sa maternity leave.
Sa botong 191 Yes, 0 No at 0 Abstention ay nakapasa sa plenaryo ang pagpapalawig sa maternity leave sa 100 days mula sa kasalukuyang maternity leave na 60 days lamang.
Sakop ng pagpapalawig ng maternity leave ang mga manggagawang ina sa pribado at pampublikong sektor.
Binibigyan din ng 60 days na maternity leave ang mga nakunan na babae.
Ang pag-avail ng maternity benefits ay voluntary at hindi mandatory.
Inaasahan na 15 milyong mga kababaihang manggagawa sa private at public sector ang mabebenepisyuhan ng expanded maternity leave.
Binigyang diin ng Gabriela Partylist na pangunahing may-akda ng panukala na mahalaga ang mahabang pahinga ng mga inang bagong panganak hindi lamang para makabawi ng lakas ng katawan kundi pati na rin ang pagkakaroon ng sapat na panahon na maalagaan at makasama ang bagong silang na anak.