Pasado na sa ikatlong pagbasa ang Senate Bill 2031 na nag-aamyenda sa Section 28 ng Department of Interior and Local Government Act of 1990 para itulad na ang ranggo ng pulis sa ranggong ginagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang panukala ay isinulong ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na syang chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs at nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong 1999 hanggang 2001.
Tiniyak ni Lacson na hindi inaalis ng panukala ang civilian character ng PNP.
Ipinaliwanag ni Lacson na kailangang i-ayon sa militar ang rank classification system ng PNP para mas madali ang koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies sa pagsasgawa ng anti-crime at anti-terrorism operations.
Ayon kay Lacson, base sa karanasan ng mga sundalo at pulis, nagkakaroon ng delay sa kanilang mga operasyon dahil kailangan pang ideterminang mabuti kung ano ang katumbas ng ranggo sa magkabilang panig na kasama sa operasyon.