Hindi tumitigil ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtupad ng kanilang mandato na pagbabantay sa soberanya ng bansa.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay, araw-araw ay nagpapatrolya sa karagatan at himpapawid ang mga tauhan ng Philippine Navy sa West Philippine Sea dahil na rin sa presenya ng mga warship ng China.
Ang regular aniyang pagpapatrolya ng Philippine Navy katuwang ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea ay mensahe sa China at iba pang mga bansa na pinoprotektahan lang ng Pilipinas ang soberanya nito.
Sa ngayon, ayon kay Gapay ay stable ang sitwasyon sa West Philippine Sea pero sakali aniyang magkaroon ng panibagong tensyon sa pagitan ng Chinese Coast Guard, nais pa rin ni General Gapay na idaan ito sa mapayapa at diplomatikong paraan.
Matatandaang July 12, 2016 nang ianunsyo ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands ang pagkapanalo ng Pilipinas sa kanilang historical claims sa West Philippine Sea.
Pero tila hindi kinikilala ng China ang ruling ng Permanent Court of Arbitration.