Maliban sa hindi na pagsusuot ng face shield lalo na sa open area, isa rin sa tinatalakay ngayon sa Inter-Agency Task Force (IATF) meeting ay ang panahon ng pag-quarantine sa mga umuuwing Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, naiparating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang concern ng mga OFW hinggil sa masyadong matagal na panahon ng kanilang pag-quarantine sa sandaling umuwi rito sa bansa.
Sinabi ni Roque na nauunawaan ng Pangulo ang sentimyento ng mga OFW lalo pa’t kaunting araw lamang ang kanilang bakasyon subalit mauubos lamang ito sa pag-quarantine sa halip na makasama ang kanilang pamilya.
Sa kasalukuyang protocol ng IATF, umaabot ng hanggang sampung araw ang panahong ginugugol ng isang OFW sa quarantine facility bago sila payagang umuwi.
Kasunod nito, pinag aaralan na ng IATF kung pwedeng iklian pa ang araw ng pagsasailalim sa quarantine ng mga umuuwing OFW.