Manila, Philippines – “Maging karapat-dapat ang mga Pilipino sa sakripisyong inialay ng mga bayaning Pilipino para sa ating kalayaan”.
Ito ang nakapaloob sa mensahe ni Pangulong Duterte na binasa ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa paggunita ng ika-76 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Mount Samat National Shrine o Dambana ng Kagitingan Sa Pilár, Bataan.
Hindi nakadalo si Pangulong Duterte sa paggunita ng Araw ng Kagitingan dahil mamayang hapon bibiyahe ito papuntang China.
Sa mensahe ng Pangulo – hindi dapat balewalain ng mga Pilipino ang dakilang pag-aalay ng mga bayaning ang dugo ay dumilig sa lupa kung saan ginugunita ngayon ang makasaysayang okasyon.
Ayon kay Duterte, kaya itinayo ang Dambana ng Kagitingan at patuloy ang mga suportang ibinibigay sa mga natitirang beterano ay para makita nilang hindi nasayang ang inialay na sakripisyo.
Nakapaloob din sa mensaheng binasa ni Secretary Medialdea ang pagmamalaki ni Pangulong Duterte na noong 2017 hanggang nitong nakaraang buwan, mahigit 6,000 beterano at mga dependents ang nakinabang na sa hospitalization and medical care sa iba’t ibang pagamutang accredited ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).