Archdiocese of Cebu, nagluluksa sa pagkamatay ng isang pari dahil sa Bagyong Odette

Nagluluksa ngayon ang Archdiocese ng Cebu makaraang ang isang pari ang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette sa Cebu.

Kinilala ang nasawing si Father Eliseo “Leo” Fernandez, parish priest ng Sto. Tomas de Villanueva Parish sa bayan ng Badian.

Batay sa pahayag ng Archdiocese ng Cebu, natagpuan ang katawan ng pari na palutang-lutang sa baybayin ng Toledo City noong December 18, dalawang araw matapos manalasa ang bagyo.


Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng suot nitong Celibacy ring o singsing na may nakaukit na kaniyang pangalan.

Tugma rin ang mga damit nito sa suot nito nang huli itong nakitang buhay nang anurin ito ng tubig.

Nabatid na ang simbahan ni Father Fernandez ay malapit sa ilog at pinaniniwalaang tinangay ito dahil sa malakas na agos ng tubig o flash flood.

Facebook Comments