Manila, Philippines – Sinusuportahan ng isang kongresista ang posisyon ni
Pangulong Rodrigo Duterte na pumasok sa out of court settlements sa mga
kumpanyang may tax evasion case.
Kasunod na rin ito ng pag-endorso ni dating Pangulo at ngayo’y
Manila Mayor Joseph Estrada sa proposal ni Duterte sa Department of Finance
na makipag-areglo na lamang para mapakinabangan na ang pera.
Ayon kay Manila Rep. Manny Lopez, sakaling mangyari ang out of court
settlements sa mga may tax evasion case ay isa ang Tondo sa makikinabang sa
makokolektang 3 bilyong pisong ibabayad ng Mighty Corporation.
Sa naunang pahayag ng Pangulo, isang bilyong piso ang ilalaan para sa
upgrading ng medical services ng Ospital ng Tondo, Tondo Medical Center at
Gat Andres Bonifacio Medical Center.
Sabi ni Lopez, malaking tulong ito para sa mahihirap niyang constituents
kaya naman umaasa silang matutuloy at maisasakatuparan ang naturang plano.
Una rito, pabor din si Speaker Pantaleon Alvarez sa aregluhan sa tax cases
para magamit na ang pondo sa social services sa halip na patagalin pa ang
usapin sa korte na wala ring kasiguruhan kung magiging pabor sa gobyerno
ang resulta.