General Santos City—Arestado ang dalawang sinasabing mataas na leader ng New People’s Army (NPA) ng Northern Mindanao at 11 aktibista sa isinagawang operasyon ng pinag-isang pwersa ng Pulisya at ng mga sundalo dito sa Gensan noong nakaraang gabi.
Alas 8:00 ng gabi ng pinasok ng tropa ng Gensan City Police Office at Joint Task Force Gensan ang Mother Francisca retreat Center para arestohan sina Maria Limbaga Unabia alias Del at Francis Madria alias “Kiang” parehong may mataas na posisyon sa White area Committee ng NPA na nahaharap sa mga kasong Murder, Frustrated Murder, Multiple Frustrated Murder at Kidnapping.
Inaresto naman ang 11 mga aktibista at Church Workers na humarang umano ng dakpin ng Pulisya at ng JTF-Gensan ang dawalang suspek.
Kahapong sinampahan ng kasong Obstruction of Justice ang mga aktibista na kasama sa mga inaresto.
Napag-alaman na nagsagawa ng isang consultation meeting ang mga aktibista sa pinangunahan ng Iglesia Filipina Independiente Visayas-Mindanao Regional Office for Development hinggil sa farmers and lumad issues nang silay pinasok ng otoridad.