Manila, Philippines – Posibleng ipaaresto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng House Committee on Justice sakaling magmatigas ito na hindi humarap sa pagdinig ng kanyang impeachment case.
Ayon kay Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, si Sereno ay maituturing na respondent sa ilalim ng constitutional mandate na ibinigay sa Kamara para sa mga impeachment proceedings.
Paliwanag pa ni Umali, may constitutional power ang Kamara sa impeachment hearing kaya hindi mapapairal dito ang separation of powers.
Pag-aaralan aniya ngayon ng kanyang komite ang mga ipiprisintang ebidensya na siyang pagbabatayan ng komite para sa probable cause.
Pinadalhan din ng imbitasyon si Sereno kasama ng ibang mga mahistrado pero hindi rin dadalo ang Chief Justice.
Ipapa-subpoena naman sa susunod na pagdinig si Sereno para bigyang pagkakataon na depensahan ang sarili, pero kung hindi talaga haharap ay mapipilitan ang Justice Committee na isyuhan ito ng warrant of arrest.