ARMAS AT GAMIT NG MGA NPA, NAREKOBER NG MILITAR SA APAYAO

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na narekober ng militar ang mga gamit pandigma at kagamitan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring engkuwentro sa Sitio Paco, Barangay Apayao, Pudtol, Apayao.
Nasamsam ng mga tropa ng 17th Infantry Battalion ang isang M16 5.56 rifle magazine na may kasamang 17 na mga bala; dalawang pamsabog at dalawang bag packs.
Kasalukuyan pa ang ginagawang hot pursuit operation ng mga kasundaluhan laban sa mga nakalabang NPA at clearing operation sa lugar para sa posibleng pagkakarekober ng iba pang gamit na naiwan ng mga nakasagupang rebelde.
Nananawagan naman si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade sa mga natitira pang kasapi ng NPA na sumuko na kasama ang mga armas at huwag nang hintayin ang hindi magandang kahihinatnan.
Matatandaan noong ika-3 ng Hunyo taong kasalukuyan, nagkasagupaan ang tropa ng 17IB at NPA sa Sitio Paco, Barangay Aurora, Pudtol, Apayao kung saan tumagal ito ng dalawampung minuto.
Wala namang naitalang nasugatan o casualty sa hanay ng militar habang inaalam pa sa panig ng mga makakaliwang grupo.
Facebook Comments