Cauayan City, Isabela- Nakarekober ang kasundaluhan at kapulisan ng mga armas at gamit ng mga rebelde na nakasagupa kamakailan ng tropa ng pamahalaan sa Brgy Capellan, Ilagan City, Isabela.
Sa pinaigting na operasyon ng pinagsanib-pwersa ng 502nd Infantry Brigade at Isabela Police Provincial Office laban sa mga teroristang NPA, natagpuan sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang (1) M653 rifle, isang (1) shotgun, tatlong (3) maikling magazine (M16), mga bala ng M16 at shotgun, mga jungle packs, butane canisters at iba pang mga personal na gamit ng rebelde.
Matatandaan noong umaga ng August 13, 2021, napalaban ang mga sundalo ng 95 th Infantry Battalion sa humigit kumulang sampung (10) bilang ng NPA sa Brgy Capellan sa Lungsod ng Ilagan.
Sa nangyaring sagupaan, apat (4) na sundalo ang naitalang nasugatan na agad namang nagamot ng kanilang mga kasamahan.
Habang sa panig naman ng makakaliwang grupo, hinihinala rin na may nasugatan sa kanilang grupo na ngayo’y patuloy na tinutugis ng mga puwersa ng gobyerno gamit ang mga helicopter.
Una ng natambangan ng mga sundalo ang mga natitirang grupo ng mga terorista noong July 23, 2021 sa Brgy Masipi East, Cabagan, Isabela.
Kaugnay nito, muling hinihikayat ni BGen Danilo D Benavides PA, Commander ng 502nd Infantry Brigade, ang mga natitirang miyembro ng NPA sa Isabela na samantalahin ang pagkakataon na magbalik-loob na sa pamahalaan para hindi na hahantong sa kapahamakan; makabalik na rin sa kani-kanilang pamilya at mamuhay ng normal sa pamamagitan ng mga tulong ng pamahalaan tulad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).