Armas Pandigma ng Rebeldeng Grupo, Nadiskubre sa Tumauini, Isabela

Cauayan City, Isabela- Nasamsam ng mga awtoridad ang mga gamit pandigma ng miyembro ng rebeldeng grupo sa Barangay Dy-Abra, Tumauini, Isabela nitong Oktubre 31, 2021 matapos ang engkwentro na nangyari sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at mga labi ng Regional Sentro De Grabidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).

Tumambad sa mga tropa ng 86th Infantry “Highlander” Battalion (86IB) ang ilang gamit pandigma gaya ng apat na M16 rifles, isang M203 grenade launcher, isang Glock 17 pistol, apat na rifle grenade, isang hand grenade, apat na Anti-Personnel Mines, may anim (6) na blasting caps, wires para sa Anti-personnel Mines (APMs), National Democratic Front (NDF) flag, ICOM radio, medical kit, iba pang personal na gamit at subersibong dokumento sa kanilang pursuit operation sa nasabing lugar.

Noong Oktubre 25, 2021 ilang mga residente ng Barangay Antagan 1st ang nagpaabot ng impormasyon sa ginagawang pangingikil sa mga magsasaka at ang recruitment activities sa kanilang barangay.


Agad na nagsagawa ng Focused Military Operations ang tropa ng 86IB kasama ang PNP Region 02 upang maberipika ang nasabing ulat habang papalapit ang tropa sa barangay Dy-Abra, Tumauini noong umaga ng Oktubre 30, 2021, pinaputukan umano sila ng mga CTG at naganap ang putukan na tumagal ng halos 10 minuto. Pagkatapos nito, tumakbo ang kalaban sa iba’t ibang direksyon upang maiwasan ang mga tropa ng gobyerno.

Sinabi ni LtCol. Joseph C Flores, Battalion Commander ng 86IB na ang mga CTG ay nagdaragdag sa pasanin ng mga magsasaka at mga komunidad sa malalayong lugar.

Habang hinimok ni BGen. Danilo Benavides, Commander ng 502nd Infantry Brigade ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupo na isuko ang kanilang mga baril at magbalik loob sa pamahalaan.

Pinuri naman ni MGen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang pagsisikap ng tropa sa pagprotekta sa mga komunidad mula sa mga pang-aabuso ng CTG.

Facebook Comments