Nagkasa ng pakikipagpulong ang Anti-Red Tape Authority o ARTA sa Department of Health (DOH) at sa Food and Drug Administration (FDA) upang pag-usapan ang paglalagay ng green lane para sa mabilis na pagproseso ng permit applications ng mga local vaccine manufacturers.
Sinabi ni ARTA Director General Jeremiah Belgica inanyayahan din nila ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Securities and Exchange Commission (SEC) upang makatulong sa pag-streamline sa mga government processes kung paanong magkaroon ng kanilang sariling manufacturing plant ang mga local manufacturers.
Ang hakbang ay kasunod na rin sa atas ni Pangulong Rodrigo Duterte na makapag- set up ng green lane.
Nauna nang sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez mapapabilis ang pag-apruba sa mga permit applications ng mga local vaccine manufacturers kung nakatugon ang mga ito sa pagsusumite ng kinakailangang mga requirements sa mga kaukulang ahensya.
Tiniyak din ng ARTA na patuloy nitong imo-monitor ang paggawa ng iba pang mga kritikal na gamot na kakailanganin sa panahon ng pandemya.