Umapela si Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Secretary Jeremiah B. Belgica sa mga Local Government Unit (LGU) na palawigin pa ang araw ng pagre-renew ng mga business permit at pagbabayad ng real property tax hanggang sa katapusan ng unang quarter ng taon.
Ayon kay Belgica, dapat ikonsidera ng mga LGU ang lumolobong bilang ng mga tinatamaan ngCOVID-19 upang palawigin pa ang araw ng renewal ng mga business permit.
Naniniwala si Belgica na hindi makatutulong sa tao na pumupunta sa mga city hall upang mag-renew ng kanilang business permits at magbayad ng real property tax para maiwasan ang pagkalat o pagbaba ng naturang virus.
Giit ng ARTA, ang prayoridad ngayon ng gobyerno ang kalusugan ng publiko kaya’t dapat itong pangalagaan.
Una nang naglabas ang Department of the Interior and Local Government sa Antique ng provincial memorandum na humihikayat sa mga local chief executive sa mga probinsiya sa 18 munisipalidad na palawigin ang pagbabayad ng regular fees and charges na walang surcharges o penalties at magbigay ng iba pang posibleng tulong para sa negosyo.